Photo by TJ Gallardo

Photo by TJ Gallardo

ni Roman O. De Jesus, LGU

Isa sa mga pinagtutuunan ng pansin ng ating pamahalaan sa kasalukuyan ay ang pangangalaga sa ating Inang Kalikasan, at isa naman sa pinagkakaabalahang gawain ay ang pagtatanim ng mga punong-kahoy, namumunga man o hindi. Marami na ring mga ahensiya ng pamahalaan ang nagpakita ng maalab na pagsuporta sa kampanyang ito sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga puno sa ilang mga piling lugar taon-taon.

Namumukod-tangi naman ang pamamaraang ipinamalas ni Kgg. Leonor Dangan-Corral, ang butihing Punong Bayan ng El Nido, bilang pagtangkilik at pagtaguyod sa kampanyang nabanggit. Ito ay ang pagtatanim ng puno ng bawat magsing-irog na kanyang pinagtataling puso bilang sagisag ng kanilang wagas na pag-ibig sa isa’t isa. Naglalayon din itong maitanim sa puso’t isipan ng magkasuyo ang kanilang pananagutan sa pangangalaga at pagmamalasakit sa ating Inang Kalikasan. Ang proyektong ito ay kanyang pinasimulan nang siya ay maluklok bilang Punong Bayan ng El Nido.

Sa kasalukuyan ay mahigit nang 110 na puno na ang naitanim ng mga mag-asawang ikinasal ni Mayor Corral. Ang mga ito ay matatagpuan sa tabi ng pambansang lansangan mula Balinsasayaw Road at bumabagtas sa tabing kalsada ng Bgy. Maligaya patungong Bgy. Corong-Corong. Inaasahang ang mga ito’y patuloy pang mararagdagan ng marami pang mga puno.

Ang puno ay sagisag ng isang matibay na pagmamahalan, lumalago at yumayabong. At hindi basta-basta matitinag ng anumang unos at pagsubok ng buhay sa mahabang panahon.

Isang paalaala kaibigan: ingat ka sa pagputol ng mga puno. Baka ang iyong maputol ay ang punong sagisag ng iyong wagas at tapat na pagsuyo…